Wanna Know If “Taga-Marikina Ka?”
I have first read this article years back when I was researching for materials for the souvenir brochure for the Ka-Angkan festival of Marikina. Thank goodness for Bands, a fellow member of MarikinaValley forum, for posting it and reminding me how good it is to publish here in Marikenya site. The article was written in Filipino and my apology to those who does not understand this language. I can’t translate it for two reasons: I don’t have the authority to do so and I’m afraid I’d alter the thoughts (or pakahulugan) of the author.
TAGA MARIKINA KA
Sinulat ni Rodolfo S. dela Paz
source: River City Gazette Vol.II No. 1, February 20, 2000, Marikina CityTaga Marikina: Ipinanganak sa Marikina, taal na taga Marikina, tubong Marikina, nakatira sa Marikina. Kahit saan man naroroon maging sa abroad, hindi nalilimutan ang Marikina, nasa puso ang Marikina.
Taga Marikina-maputi, makinis at medyo singkit ang mata, pustura, maporma, mapagbiro, masayahin, mabulaklak ang dila. Sa madaling salita, mapagmura, bukang bibig mo, “Putang ‘na mo!”. Taga Marikina: mahilig kumain, mamasyal, magpiknik, magbasketball, makipagkuwentuhan. Sabi nga: “Mawalan na ng isang kalabaw, huwag lang ng isang huntahan”.
Kung taga Marikina ka, mahilig kang kumain ng pansit, goto at tokwa. Kapag umuulan o araw ng Biyernes, ang ulam mo, munggo at kung Linggo, nilagang manok. Kung taga Marikina ka ang tawag mo sa matamis na sawsawan ng lumpia ay maalat. Kung taga Marikina ka, mahilig kang magsugal; tumataya sa lotto, karera, nagsasabong, nagpupusoy, tong-its, bingo, monte, sakla, ending at siyempre pa, jueteng.
Taga Marikina ka kung marunong kang gumawa ng sapatos pero laging nakatsinelas, nakabihis nang maganda kahit walang pera. Taga Marikina ka kung ang bati mo sa kakilala o kaibigan ay hindi “Hi” o “Hello” kundi “Saan ka galing?” o “Saan ka pupunta?” Taga Marikina ka kaya nag-aral ka sa Roosevelt o sa MSAT. Kung nag-aral ka sa Marikina, alam mo ang Central, annex No. 1 at annex No. 2. Love mo si “Little Ana”, si Miss Mendoza. Kilala mo si Mrs. Mesina, si Miss Victorino at Mrs. Zamora. Kilala mo rin si Mr. Trinidad, Mr. Santos, Miss del Rosario, Mrs. Chanyungco at si Maestrong Porong.
Taga Marikina ka kung alam mo ang ibig sabihin ng “naghalo ang balat sa tinalupan, “sagot sa huli”, lamuan, salang bayan, salamyaan, anunciata, zebra, ampay kaban, hiwas, ditchoy, bankilya.
Taga Marikina ka kung nakapanood ka sa Cine Bayan, Lion, Mari at Valley, kaya alam mo ang palko, kabit at ala-berde. Naghawak ka ba ng kateplak? Umahon ka ba sa Antipolo? Sumakay ka ba sa Marikina Valley? Sa NGI? sa Happy Valley? sa Marikina Bus? Kumain ka ba kay Aling Petra? Kay Doro? kay Justina? sa La Pacita? kay Tabio?
Naligo ka ba sa ilog? nagnakaw ng singkamas sa tumana? nanuro, naglaro sa baha? namalaka, naglimas, nagmaya? nagsalon sa Riverview, sa Rolando’s, o nag-outing sa Balara at Villa Lolita? Kung hindi mo alam ito o hindi mo ito naranasan, baka hindi ka taga Marikina.
Taga Marikina kapag alam mo kung saan ang Daang Bakal, dairy, oval, patindig-araw, balubad, lambak, tayug, olandes, Ilaya, Ibayo, halang at Chorillo. Taga Marikina ka kung kilala mo ang angkan ng adobo, bangus, kamatis, ibon, kalambyang, bibe, puto, kalabaw, paminta, kulubot, daga at iba.
Kung taga Marikina ka, siyempre kilala mo si Alo, si Herman, si Terry at si Eleng-Eleng, gayundin sina Eliong taba o si Emiliong laki. Kung hindi mo sila kilala, baka kilala mo si Temyong Hudas, si Kletong P_k_, si Angel mayaman, si Mariang mahirap, si Mr. Cruz, si Kamote, si Bigote, si Pitoy.
Kung taga Marikina ka, ang tawag mo sa duktor mo, Seseng, Isaac, Juan, Ading, Eloy, Mario, Sitong, Dick, Tasyon, Luming, Itoy at Erning. Kung taga Marikina ka dapat alam ang pangalang Padre Arciaga, Father Godoy, Mons, Cruz, Fr. Ignacio at Padre Mirasol.
Taga Marikina ka, Mayor mo si BF, malinis ang lungsod mo, may River Park, may Rescue 161, walang sidewalk vendor, bawal magkalat, bawal ang hubad, bawal ang umihi at dumura. Maraming punong kahoy, maliwanag ang mga ilaw, uso ang jogging, aerobics, bowling at ballroom dancing.
Taga Marikina ka, ipinagmamalaki mo ang lahat ng ito, hinahangan ang lungsod mo. Pinupuri ka. Mabuhay ang mga taga Marikina! Mabuhay ang Marikeño. Ang taga Marikina laging sikat, mabait, masaya, masipag, matulungin, matalino, at higit sa lahat, huwag mong kalilimutan - MAYABANG!











